Biyernes, Pebrero 22, 2013

TRESE












Ang Mga Duewende


Ang Mga Duwende
Isang Kuwentong-Bayan mula sa Bikol
Malalim na ang gabi at abalang-abala pa sa pananahi ang dalawang magkapatid na babae.
Tinatahi nila ang mga kamisa at saya nila, na isusuot nila para sa isang misa kinaumagahan.
Ibinilin ng kanilang ina na siguruhing nakasara ang pinto at mga bintana ng kanilang bahay,
kundi ay papasok ang duwende, na bumibisita sa kanila tuwing hatinggabi. Upang malaman
ng kaniyang mga anak kung ano ang duwende, ikinuwento niya ito:

“Katulad lang ng mga ordinaryong tao ang mga duwende. Tuso silang mga nilalang, ngunit
matulungin din. Ilan sa mga kapilyuhang ginagawa nila ay ang pagsira sa mga muwebles at
mga larawan, pagbasag sa mga salamin, baso, plato, at tasa. Kung hindi sila makahanap
ng mga bagay na sisirain o babasagin, kinukurot nila ang mga pisngi, braso, at katawan ng
mga tulog na babae, upang maging mabigat ang pakiramdam nila pagkagising. Kung hindi
kinaasaran ng mga duwende ang mga nakatira sa bahay na madalas nilang bisitahin, nagpapakita sila ng kabaitan sa mga ito. Sinasabing dinadalhan nila ang mga kaibigan nila ng mga
masasarap na pagkain at ipinagtatanggol sila mula sa mga masasamang nilalang.
Maraming tao tuloy ang sabik ngunit balisang makakilala ng duwende. Itinuturing nila ang mga nilalang
na nagtataglay ng kakaibang karunungan dahil sinasabing alam na alam nila ang mga lihim at ikinikilos ng mga tao. Ngunit kung sakaling ang mga naging kaibigan ng duwende ay
biglang nagsabi ng anumang masama o nagbalak ng masama sa kanila, kahit pa hindi sila
marinig ng mga duwende, ay parurusahan sila at hindi na muling babalikan.
“Ang duwendeng binabanggit ko rito ay madalas sa bahay namin habang ang nanay ko, o ang
lola ninyo, ay buhay pa. Parati niyang sinasabi sa aming isara ang pinto at mga bintana bago
kami matulog. Isang gabi, nang nagtatahi rin kami ng kapatid ko ng kamisa at saya, nakalimutan naming isara ang mga bintana at pinto. Ilang segundo bago maghatinggabi, naroon ang isang maliit na nilalang na nakatayo sa aming pinto. Maliit siya, kasinliit lamang ng isang dalawang taong gulang na bata; pula ang kaniyang mukha; mayroon siyang mahabang bigote at maputing kulot na buhok. Maigsi ang mga braso niyang balingkinitan, ngunit malaki ang mga kamay niya–malaki para sa kaniyang braso.”Nang marinig ng mga dalaga ang kuwento ng kanilang ina, natakot sila. Nang maghatinggabi, narinig nila ang mga tunog: takla, takla, takla. Gawa ito ng duwende. Takot na takot ang dalawa. Lumingon ang panganay, at nakita niya ang duwende na pumapasok sa pinto.
At katulad ng inaasahan, tumakbo at tumalon siya papasok ng bahay, papunta sa mga dalaga.
Dahil doon, nasipa niya ang isang gasera, na nagpaliyab sa mga kamisa at saya.
Mula noon, naging maingat na ang magkapatid at ang buong bayan ng Legaspi sa duwende.
Isinasara na nila ang kanilang mga pinto at mga bintana bago sila matulog sa gabi.

Kay Mariang Makiling


Nagpaalam noon ang nanay.
hindi ipinaalam kung saan siya pupunta.
anong pook ang maari niyang puntahan
upang di na magbalik?
anong pook ang maari niya?
nagkampo kami ni tatay sa Makiling.
inalala ang kwento ng diwatang
naglaho sa panglaw ng sariling panaghoy.
‘hindi na siya babalik’ sabi ni tatay.
pag-uwi, tinanaw ko ang bundok,
at totoo, mas maganda itong tignan
sa malayo: hindi matitinag, buo.

Alamat Ni Daragang Magayon

Katulad ng lahat ng alamat, nangyari ang kuwentong ito noong unang panahon. Naganap ito
sa payapang rehiyon ng Ibalong, sa maliit na bayan ng Rawis, na pinamumunuan ng makatarungang datung si Makusog. Ang asawa ng datu na si Dawani ay namatay sa panganganak.
Kaya’t nanatiling iisa ang anak ni Datu Makusog—isang anak na babaeng walang kapares sa
kagandahan at kabaitan, si Daragang Magayon. Hindi tuloy nakapagtataka kung bakit dumadayo ang napakaraming manliligaw mula sa ibang tribu, kabilang na ang nasa malalayong bayan, upang mabihag ang puso ng dalaga. Ngunit wala ni isa sa mga binatang ito ang nakakuha ng pagtingin ng magandang binibini. Wala, kahit ang makisig at mapagmataas na si Pagtuga, ang dakilang mangangaso at datu ng Iraga. Kahit pa pinaulanan ni Pagtuga ng mga handog na ginto, perlas, at iba pang kayamanan ang ama ni Magayon, ay hindi pa rin nito nakuha ang loob ng dalaga.

Ngunit wala ni isa sa mga binatang ito ang nakakuha ng pagtingin ng magandang binibini. Wala, kahit ang makisig at mapagmataas na si Pagtuga, ang dakilang mangangaso at
datu ng Iraga. Kahit pa pinaulanan ni Pagtuga ng mga handog na ginto, perlas, at iba pang
kayamanan ang ama ni Magayon, ay hindi pa rin nito nakuha ang loob ng dalaga.
Isang katangi-tanging binatilyo ang nagpakita si Rawis: si Ulap, ang tahimik ngunit matapang
na anak ni Datu Karilaya ng Katagalugan. Naglakad siya nang malayo upang makita ng sarili
niyang mga mata ang ipinagbuunying kagandahan ni Daragang Magayon. Ngunit hindi katulad ng ibang manliligaw, nagdahan-dahan si Ulap. Tiniis niya ang magnakaw lamang ng mga
sulyap mula sa malayo habang nagtatampisaw si Daragang Magayon sa ilog ng Yawa.
Pagkatapos ng isang maulang gabi, pumunta ulit si Magayon sa Ilog Yawa upang magtampisaw. Nadulas siya sa batuhan at nahulog sa malamig na ilog. Dagli-dagling sumaklolo si Ulap
at binuhat ang nangangatog na dilag pabalik sa dalampasigan. Ito ang naging simula ng pagiibigan ni Daragang Magayon at ni Ulap.
Ilang beses pang nagtagpo si Ulap at si Daragang Magayon. Hanggang sa isang araw, sinundan ni Ulap si Magayon sa pag-uwi. Pagdating sa bahay ni Datu Makusog, buong lakas
nang loob na ibinaon ni Ulap ang kaniyang sibat sa hagdan. Ipinapahiwatig nito ang kaniyang
kagustuhang pakasalan si Magayon. Walang nagawa si Magayon kundi mamula, magpigil ng
tawa, at umiwas ng tingin. Dahil dito, napagtanto ni Datu Makusog na umiibig ang kaniyang
nag-iisang anak, kaya’t hindi na siya nagpahayag ng kahit anong pagtanggi. Tuwang-tuwa
si Magayon at si Ulap. Binalak nilang gawin ang kasalan pagkalipas ng isang buwan upang
mabalitaan ni Ulap ang kaniyang mga kababayan, at upang makapaghanda nang husto para
sa pagdiriwang.
Mabilis na kumalat ang magandang balita. Nakarating agad ito kay Pagtuga, na namula sa
galit. Nang mangaso si Datu Makusog, dinakip siya ni Pagtuga. Nagpadala si Pagtuga ng mensahe
kay Magayon, nagbabantang papatayin ang kaniyang ama at maghahasik ng digmaan sa
kaniyang bayan kung hindi siya pakakasalan.
Sinunod ni Magayon ang kahilingan ni Pagtuga, labag man sa kaniyang kalooban. Agad-agad
na inihanda ang kasalan. Nang malaman ni Ulap ang masaklap na pangyayari, nagmadali
siya pabalik ng Rawis kasama ang pinakamagigiting niyang mandirigma.
Kasisimula pa lamang ng seremonya nang dumating sina Ulap. Sa halip na isang pagdiriwang
para sa kasal, isang madugong labanan ang naganap. Napuno ang langit ng mga palaso.
Napuno ang hangin ng tunog ng nagkikiskisang bolo. Nagtuos si Ulap at si Pagtuga, isang
labanan para sa kamay ng nag-iisang si Magayon.
Nadaig at napaslang ni Ulap si Pagtuga. Masayang sinalubong ni Magayon si Ulap, akmang
yayakapin—nang biglang isang ligaw na palaso ang tumama sa likod ng dalaga. At habang
sapo-sapo ni Ulap ang nag-aagaw-hininga niyang iniibig, bigla siyang sinibat sa likod ng
isang kawal ni Pagtuga. Agad na hinataw ni Datu Makusog ang kawal ng kaniyang minasbad,
isang matalim na bolo.
Pagkatapos ng mabilis na pangyayaring iyon, tumahimik ang lahat ng mandirigma. Tumigil
ang digmaan. Sa halip na marinig ang kasiyahan ng isang pagdiriwang ng kasalan, mga hikbi
at hagulgol para sa mga pumanaw ang lumutang sa hangin. Kahit na halos walang makita
dahil sa walang-tigil na pagluha si Datu Makusog, naghukay siya nang naghukay. Nang
matapos, nilibing niya ang kaniyang nag-iisang anak na si Magayon, at ang nag-iisa nitong
pag-ibig na si Ulap, nang magkatabi at magkayakap.
Habang lumilipas ang mga araw, unti-unting tumaas ang lupang pinaglibingan kina Ulap at
Magayon. Tumaas ito nang tumaas, at di nagtagal, sinamahan ito ng pagyanig ng lupa at pagtilapon ng nagbabagang mga bato. Naniniwala ang mga matatanda na kapag nangyayari ito,
ginagalit ni Pagtuga ang bulkan upang maibalik sa kaniya ang mga kayamanang iniregalo niya
kay Magayon—mga regalong inilibing kasama ng dalaga sang-ayon sa mga lumang
paniniwala.
May mga araw kung kailan natatakpan ng mga ulap ang tuktok ng bulkan. Sinasabi ng mga
matatanda na kapag nangyayari ito, hinahalikan ni Ulap si Magayon. At kung pagkatapos nito
ay marahang dumampi ang ulan sa magiliw na libis ng bulkan, naniniwala ang mga
matatandang lumuluha si Ulap.
Pagkatapos ng mahabang panahon ay umigsi na ang pangalan ni Magayon at naging Mayong
o Mayon. Ngunit hanggang sa kasalukuyan, kahit na maaliwalas ang panahon, isang anino ng
masalimuot na kuwento ng isang natatanging dalaga at ng kaniyang iniibig ang bumabalong
sa magandang bayan ni Daragang Magayon.

ikalawang teksto

Mabangis na lungsod ni efren abueg

Mabangis na lungsod - Efren R. Abueg
Sadyang may mga taong malupit at mapang-api. Kung sino pa ang mahina at aba, siya pang kinakaya-kaya.
Ang gabi ay mabilis na lumatag sa mga gusali, lumagom sa malalaki't maliliit na lansangan, dumantay sa mukha ng mga taong pagal, sa mga taong araw-araw ay may bagong lunas na walang bias. Ngunit ang gabi ay waring manipis na sutla lamang ng dilim na walang lawak mula sa lupa hanggang sa mga unang palapag ng mga gusali. Ang gabi sa kalupaan ay ukol lamang sa dilim sa kalangitan sapagkat ang gabi sa kalupaan ay hinahamig lamang ng mabangis na liwanag ng mga ilaw-dagitab.
Ang gabi ay hindi napapansin ng lalabindalawahing taong gulang na si Adong. Ang gabi ay tulad lamang ng pagiging Quiapo ng pook na iyon. Kay Adong, ang gabi'y naroroon, hindi dahil sa may layunin sa pagiging naroroon, kundi dahil sa naroroon katulad ng Quiapo. Sa walang muwang na isipan ni Adong, walang kabuluhan sa kanya kung naroon man o wala ang gabi- at ang Quiapo.
Ngunit isang bagay ang may kabuluhan kay Adong sa Quiapo. Alisin na ang nagtatayugang gusali roon, alisin na ang bagong lagusan sa ilalim ng lupa, alisin na ang mga tindahang hanggang sa mga huling oras ng gabi'y mailaw at mabawasan ang mga taong pumapasok at lumalabas doon, dahil sa isang bagay na hinahanap sa isang marikit na altar. Sapagkat ang simbahan ay buhay ni Adong.
Kung ilang hanay ang mga pulubing naroroon at mga nagtitinda ng tiket ng suwipistek, ng kandila, ng kung anu-anong ugat ng punongkahoy at halaman. As sa mga hanay na iyon ay nakatunghay ang simbahan, naawa, nahahabag. At nakatingala naman ang mga hanay na iyon, kabilang si Adong. Hindi sa simbahan kundi sa mga taong may puso pa upang dumukot sa bulsa at maglapag ng konting barya sa maruruming palad.
Mapapaiyak na si Adong. Ang tingin niya tuloy sa mga ilaw-dagitab ay parang mga piraso ng apoy na ikinakalat sa kalawakan.Kangina pa siyang tanghali sa loob ng marusing na bakuran ng simbahan, nagsawa na ang kanyang mga bisig sa wala pang tunog ng katuwaan. Bagkus ang naroon ay bahaw na tunog ng babala. Babalang ipinararamdam ng pangangalam ng kanyang sikmura at sinasapian pa ng takot na waring higad na gumagapang sa kanyang katawan.
"Mama... Ale, palimos na po."
Ang maraming mukhang nagdaraan ay malalamig na parang bato, ang imbay ng mga kamay at hiwatig ng pagwawalang-bahala, ang hakbang ay napapahalaga ng pagmamadali ng pag-iwas.
"Palimos na po, ale... hindi pa po ako nanananghali!"
Kung may pumapansin man sa panawagan ni Adong, ang nakikita niya ay irap, pandidiri, pagkasuklam. "Pinaghahanapbuhay 'yan ng mga magulang para maisugal." madalas naririnig ni Adong. Nasasaktan siya, sapagkat ang bahagi ng pangungusap na iyon ay untag sa kanya ni Aling Ebeng, ang matandang pilay na kanyang katabi sa dakong liwasan ng simbahan.
At halos araw-araw, lagi siyang napapaiyak, hindi lamang niya ipinahahalata kay Aling Ebeng, ni kanino man sa naroroong nagpapalimos. Alam niyang hindi maiiwasan ang paghindi sa kanya ng limang piso, sa lahat. Walang bawas.
"May reklamo?" ang nakasisindak na tinig ni Bruno. Ang mga mata nito'y nanlilisik kapag nagpatumpik-tumpik siya sa pagbibigay.
At ang mga kamayy ni Adong ay manginginig pa habang inilaladay niya sa masakim na palad ni Bruno ang salapi, mga baryang matagal ding kumalansing sa kanyang bulsa, ngunit kailan man ay hidni nakarating sa kanyang bituka.
"Maawa na po kayo, Mama.. Ale.. gutom na gutom na ako!"
Ang mga daing ay walang halaga, waring mga patak ng ulan sa malalaking bitak ng lupa. Ang mga tao'y naghihikahos na rin. Ang panahon ay patuloy na ibinuburol ng karukhaan.
Ang kampana ay tumutugtog at sa loob ng simbahan, pagkaraan ng maikling sandali, narinig ni Adong ang pagkilos ng mga taong papalabas, waring nagmamadali na tila ba sa wala pang isang oras na pagkakatigil sa simbahan ay napapaso, nakararamdam ng hapdi, hindi sa katawan, kundi sa kaluluwa. Natuwa si Adong. Pinagbuti niya ang paglalahad ng kanyang palad at pagtawag sa mga taong papalapit sa mga taong sa kanyang kinaroroonan.
"Malapit nang dumating si Bruno..." ani Aling Ebeng na walang sino mang pinatutungkulan. Manapa'y para sa lahat na maaring makarinig.
Biglang-bigla, napawi ang katuwaan ni Adong. Nilagom ng kanyang bituka ang nararamdamang gutom. Ang pangambang sumisigid na kilabot sa kanyang mga laman at nagpapantindig sa kanyang mga balahibo ay waring dinaklot at itinapon sa malayo ng isang mahiwagang kamay. Habang nagdaraan sa kanyang harap ang mga taon malamig, walang awa, walang pakiramdam-nakadarama siya ng kung anong bagay na apoy sa kanyang kalooban. Aywan niya kung bakit gayon ang nararamdaman niya matapos mapawi ang kanyang gutom at pangamba. Kungng ilang araw na niyang nadara iyon, at hanggang sa ngayon ay naroroon pa't waring umuuntag sa kanya na gumawa ng isang marahas na bagay.
Ilang barya ang nalaglag sa kanyang palad, hindi inilagay kung inilaglag, sapagkat ang mga palad na nagbibigay ay nandidiring mapadikit sa marurusing na palad na wari bang mga kamay lamang na maninipis ang malinis, dali-daling inilagay ni Adong ang mga barya sa kanyang lukbutan. Ilan pang barya ang nalaglag sa kanyang palad. At sa kaabalahan niya'y hindi na napansing kakaunti na ang mga taong lumalabas mula sa simbahan, makita na naman ni Adong ang mga mukhang malamig, ang imbay ng mga kamay na nagpapahiwatig ng pagwawalang bahala, ang mga hakbang ng nagmamadaling pag-iwas.
"Adong... ayun na si Bruno" narinig niyang wika ni Aling Ebeng.
Tinanaw ni Adong ang iniguso sa kanya ni Aling Ebeng. Si Bruno nga. Ang malapad na katawan, ang namumutok na mga bisig. Ang maliit na ulong pinapangit ng suot na gora. Napadukot si Adong sa kanyang bulsa. Dinama niya ang mga barya roon. Malamig. At ang lamig na iyon ay waring dugong biglang umagos sa kanyang mga ugat. Ngunit ang lamig na iyon ay hindi nakasapat upang ang apoy na nararamdaman niya sa kangina pa ay mamamatay. Mahigpig niyang kinulong sa kanyang palad ang mga baryang napagpalimusan.
"Diyan na kayo, Aling Ebeng... sabihin ninyo kay Bruno na wala ako!" mabilis niyang sinabi sa matanda.
"Ano? naloloko ka na ba. Adong? Sasaktan ka ni Bruno. Nakita ka ni Bruno!"
Narinig man ni Adong ang sinabi ng matanda, nagpatulog pa rin sa paglalakad, sa simula'y marahan, ngunit nang makubli siya sa kabila ng bakod ng simbahad ay pumulas siya ng takbo. Lumusot siya sa pagitan ng mga dyipni na mabagal sa pagtakbo. Sumiksik siya sa kakapalan ng mga taong salu-salubong sa paglalakad. At akala niya'y nawala na siya sa loob ng sinuot niyang mumunting iskinita.
Sumandal siya sa poste ng ilaw-dagitab. Dinama niya ang tigas niyon sa pamamagitan ng kanyang likod. At sa murang isipang iyon ni Adong ay tumindig ang tagumpay ng isang musmos na paghihimagsik ng paglayo kay Bruno, ng paglayo sa Quiapo, ng paglayo sa gutom, sa malalamig na mukha, sa makatunghay na simbahan, sa kabangisang sa mula't pa'y nakilala niya at kinasusuklaman. Muling dinama niya ang mga barya sa kanyang bulsa. At iyon ay matagal din niyang ipinakalansing.
"Adong!" Sinunsan iyon ng papalapit na mga yabag.
Napahindik si Adong. Ang basag na tinig ay naghatid sa kanya ng lagim. Ibig niyang tumakbo. Ibig niyang ipagpatuloy ang kanyang paglayo. Ngunit ang mga kamay ni Bruno ay parang bakal na nakahawak na sa kanyang bisig, niluluray ang munting lakas na nagkakaroon ng kapangyarihang maghimadsik laban sa gutom, sa pangamba at kabangisan.
"Bitiwan mo ako! Bitiwan mo ako!" Naisigaw na lamang ni Adong.

  • Ngunit hindi na niya muling narinig ang basag na tinig. Naramdaman na lamang niya ang malupit na palad ni Bruno. Natulig siya. Nahilo. At pagkaraan ng ilang sandali, hindi na niya naramdaman ang kabangisan sa kapayapaang biglang kumandong sa kanya.

ikalawang markahan unang texto


 NEMO ANG BATANG PAPEL ni Rene O. Villanueva
Si Nemo ay isang batang yari sa ginupit na diyaryo. Pinunit-punit, ginupit-gupit saka pinagdikit-dikit, si Nemo ay ginawa ng mga bata para sa isang proyekto nila sa klase. Ngayo’y bakasyon na. Si Nemo’y naiwang kasama ng ibang papel sa silid. Nakatambak siya sa bunton ng mga maalikabok na polder at enbelop.

Isang araw, isang mapaglarong hangin ang nanunuksong umihip sa silid. Inilipad niya sa labas si Nemo.
Nagpalutang-lutang sa hangin si Nemo. Naroong tumaas siya; naroong bumaba. Muntik na siyang sumabit sa mga sanga ng aratiles. Nang mapadpad siya sa tabi ng daan, muntik na siyang mahagip ng humahagibis na sasakyan. Inangilan siya ng dyip. Binulyawan ng kotse. At sininghalan ng bus.
Mabuti na lamang at napakagaan ni Nemo. Nagpatawing-tawing siya sa hangin bago tuluyang lumapag sa gitna ng panot na damo sa palaruan. Nakahinga nang maluwag si Nemo. Ngunit nagulantang siya sa dami ng nagtatakbuhang paa na muntik nang makayapak sa kaniya. Naghahabulan ang mga bata at kay sasaya nila!
Araw-araw, tuwing hapon, pinanonood ni Nemo ang mga naglalarong bata. Inggit na inggit siya sa kanila. Tuwing makikita niya ang mga bata sa palaruan, gustong-gusto rin niyang maging isang tunay na bata.
“Gusto kong tumawa tulad ng totoong bata! Gusto kong tumakbo tulad ng totoong bata! Gusto kong maghagis ng bola tulad ng totoong bata!”
Sabi nila, kapag may hiniling ka raw na gusto mong matupad, kailangang sabihin mo ito sa pinakamalayong bituin sa langit.
Kaya isang gabi, matiyagang nagbantay sa langit si Nemo. Hinintay niya ang paglabas ng pinakamalayong bituin. At nang makita niya ito, sinabi niya ang kaniyang hiling.
“Bituin, bituin, tuparin ngayon din Ako’y gawing isang batang masayahin!”
Pumikit nang mariin na mariin si Nemo. Naramdaman niyang parang umiikot ang paligid at nagkakagulo ang mga busina ng sasakyan.
Totoong bata na si Nemo! Pagdilat niya’y kasama na niya ang kaniyang totoong Tatay na walang trabaho, at totoong Nanay na payat na payat, at walong totoong kapatid na ang ingay-ingay sa isang masikip, makipot, at tagpi-tagpi pero totoong bahay.
“’Wag kayong tatamad-tamad,” sigaw ng kaniyang totoong tatay. “Magtrabaho kayo!”
Kaya napilitang tumakbo si Nemo palabas ng bahay.
Palakad-lakad si Nemo sa kalye. Hindi niya pansin ang mga humahagibis na bus. Hindi niya pansin ang mga humahagibis na dyip. Isip siya nang isip kung paano makakatulong sa kaniyang totoong pamilya.
Kahit bata pa, napilitang maghanapbuhay si Nemo. Sa umaga’y nagtinda siya ng sampagita at humahabol-habol sa mga kotse.
Pagod na pagod si Nemo araw-araw. Pakiramdam niya, pabilis nang pabilis ang kaniyang pagtanda. Kaya naisipan niyang pumasok sa eskuwela. Sumilip siyang muli sa paaralang pinanggalingan niya.
Pero dahil marumi ang kaniyang suot at wala siyang sapatos, inirapan lang si Nemo ng libro.
“Hindi ka bagay dito!” sabi ng libro.
“Ang baho-baho mo!” Nagalit din sa kaniya ang mesa.
“Ang dumi-dumi mo!” sinigawan din siya ng pisara.
“Alis diyan!”
Kaya napilitang tumakbo si Nemo. Nagtatakbo siya nang nagtatakbo hanggang sa gilid ng dagat. Sinabi ni Nemo ang problema niya sa dagat pero naghikab lang ito. At kahit ang alon na puno ng layak ay nagtakip ng ilong nang maamoy siya.
“’Wag mo nang dagdagan ang basura dito!” sigaw nito kay Nemo.
Malungkot na naglakad-lakad si Nemo. At sa maraming kalye ng marusing na lungsod, sa bawat sulok ay may nakita siyang mga batang-kalye. May nagbebenta ng sampagita. May nagtitinda ng sigarilyo at diyaryo habang maliksing sumasabit-sabit sa mga sasakyan. May mga kalbo, galisin, at palaboy na yakap-yakap ang supot na plastik na kapag sinisinghot nila ay parang nagguguhit sa kanilang mukha ng mangmang na ngiti. May mga batang butuhan ang binti at malamlam ang mata na akay-akay ng matatatandang puti na parang kislap ng balisong ang kislap ng mata.
“Kay dami-dami palang batang kalye,” naisip ni Nemo.
Kung gabi, kung halos hindi umihip ang mapanuksong hangin, ang mga batang kalye ay nagtitipon-tipon sa parke na may monumento ng bayaning may kipkip na libro. Tumatakbo sila. Naglulundagan. Nagbibiruan. Naghahagikgikan. Pero napansin ni Nemo na walang taginting ang kanilang halakhak. Parang pumanaw na ang kislap sa sulok ng kanilang mata.
Sumama si Nemo sa iba pang batang lansangan. Nagtipon-tipon sila sa isang bahagi ng parke. At sa dilim ng gabi, nagsimula silang maglaro at magkantahan. Nalaman ni Nemo na marami palang batang tulad niya. Mga batang lansangan, mga batang kailangang maghanapbuhay dahil sa kahirapan.
Tinipon ni Nemo ang iba pang batang lansangan. Nang magkuwentuhan sila, nalaman nilang pare-pareho pala ang kanilang gusto: mapagmahal na magulang, maayos na tahanan, masayang paaralan, at sapat na pagkain.
Ipinagtapat ni Nemo ang lihim na kaniyang natuklasan. Matutupad ang anumang pangarap kapag hiniling sa pinakamalayong bituin. Sabay-sabay silang tumingala sa pinakamalayong bituin sa langit at hiniling nila ang lahat ng ito.
“Bituin, bituin, tuparin ngayon din Lahat kami’y gawing batang masayahin.”
Sa isang iglap, lahat sila ay naging batang papel. Inilipad sila ng hangin. Kay gaan-gaan ng kanilang pakiramdam. Kay saya-saya nila dahil malayo na sila sa magulong pamilya, malupit na eskuwela, at maingay na kalsada.
Nagtaka ang mga taong nakakita sa palutang-lutang na mga batang papel. Marami ang naawa sa kanila. Pero ang hindi nila alam, mas maligaya na ngayon ang mga batang papel, gaya ni Nemo, kaysa mga totoong bata na kailangang makibaka at mabuhay sa malupit na kalsada.

Martes, Pebrero 19, 2013

ikasiyam na gawain

                                                Impeng Negro ni Rogellio B. Sikat

“Baka makikipag-away ka na naman,” tinig iyon ng kanyang ina. Nangangaral na naman. Mula kinatatalungkuang giray na batalan, saglit iyang napatigil sa paghuhugas ng mumo sa kamay.

“Hindi ho,” paungol niyang tugon.

“Hindi ho...” Ginagad siya ng kanyang ina. “Bayaan mo na nga sila. Kung papansinin mo’y lagi ka ngang mababasag-ulo.”

May iba pang sinasabi ang kanyang ina ngunit hindi na niya pinakinggan. Alam na niya ang mga iyon. Pulit-ulit na niyang naririnig. Nakukulili na ang kanyang tainga.

Isinaboy niya ang tubig na naa harap. Muli siyang tumabo. Isinawak niya ang kamay, pinagkiskis ang mga palad at maghilamos.

“Dumaan ka kay Taba mamayang pag-uwi mo,” narinig niyang bilin ng ina. “Wala nang gatas si Boy. Eto’ng pambili.”

Tumindig na siya. Nanghihimad at naghihikab na itinaas ang mahabang kamay. Inaantok pa siya. Gusto pa niyang magbalik sa sulok na kanyang higaan. Ngunit kailangan na siyang lumakad. Tatanghaliin na naman bago siya makasahod. At naroon na naman marahil si Ogor. Kahit siya ang nauna ay lagi siyang inuunahan ni Ogor sa pagsahod.

Umiingit ang sahig ng kanilang barung-barong nang siya’y pumasok.

“Nariyan sa kahon ang kamiseta mo.”

Sa sulok ng kanyang kaliwang mata’y nasulyapan niya ang ina. Nakaupo ito, taas ang kaliwang paa, sa dulo ng halos dumapa nang bangko. Nakasandig ang ulo sa tagpiang dingding. Nakalugay ang buhok. Bukas ang kupasing damit na gris, nakahantad ang laylay at tuyot na dibdib. Kalong nito ang kanyang kapatid na bunso. Pinasususo.

“Mam’ya, baka umuwi ka na namang... basag ang mukha.”

Matagal na napako ang kanyang tingin kay Kano, ang sumusunod sa kanya. Maputi si Kano, kaya ganito ang tawag dito sa kanilang pook. Kakutis ni Kano ang iba pa niyang kapatid. Marurusing ngunit mapuputi. May pitong taon na si Kano. Siya nama’y maglalabing-anim na. Payat siya ngunit mahaba ang kanyang biyas.

Hinalungkat na niya ang kahong karton na itinuro ng ina. Magkakasama ang damit nila nina Kano, Boyet, at Diding. Sa may ilalim, nakuha niya ang kulay-lumot niyang kamiseta. Hinawakan niya iyon sa magkabilang tirante. Itinaas. Sinipat.

“Yan na’ng isuot mo.” Parang nahulaan ang kanyang iniisip.

Isinuot niya ang kamiseta. Lapat na lapat ang kamisetang iyon noong bagong bili ngunit ngayo’y maluwag na. Nagmumukha siyang Intsek-beho kapag suot iyon ngunit wala naman iyang maraming kamietang maisusuot. Mahina ang kita ng kanyang ina sa paglalabada; mahina rin ang kita niya sa pag-aagwador.

Nagbalik siya sa batalan. Nang siya’y lumabas, paan na niya ang kargahan. Tuloy-tuloy niyang tinungo ang hagdan.

“Si Ogor, Impen,” pahabol na bilin ng kanyang ina. “Huwag mo nang pansinin.”

Naulinigan niya ang biling iyon at aywan kung dahil sa inaantok pa siya, muntik na siyang madapa sa nakausling bato sa may paanan ng kanilang hagdan.

Tuwing umagang mananaog siya upang umigib, pinagpapaalalahanan siya ng ina. Huwag daw siyang makikioagbabag. Huwag daw niyang papansinin si Ogor. Talaga raw gayon iyon; basagulero. Lagi niyang iinasaisip ang mga bilin nito ngunit adya yatang hindi siya makapagtitimpi kapag narinig niya ang masasakit na panunukso sa kanya sa gripo, lalung-lalo na mula kay Ogor.

Si Ogor, na kamakailan lamang ay bumabag sa kanya, ang malimit magsimula ng panunukso.

“Ang itim mo, Impen,” itutukso nito.

“Kapatid mo ba si Kano?” isasabad sa mga nasa gripo.

“Sino bang talaga ang tatay mo?”

“Sino pa,” isisingit I Ogor, “di si Dikyam.”

Sasambulat na ang tawanan. Pinakamatunog ang tawa ni Ogor. Si Ogor ang kinikilalang hari sa gripo.

“E, ano kung maitim?” isasagot niya.

Nanunuri ang mga mata at nakangising iikutan siya ni Ogor. Magsusunuran nang manukso ang iba pang agwador. Pati ang mga batang naroon : “Tingnan mo’ng buhok. Kulot na kulot! Tingnan mo’ng ilong. Sarat na sarat! Naku po, ang nguso. Namamalirong!”

Sa katagalan, natanggap na niya ang panunuksong ito. Iyon ang totoo, sinabi sa sarili. Negro nga siya. E, ano kung Negro? Ngunit napipikit siya. Ang tatay niya’y isang sundalong Negro na nang maging anak siya’y biglang nawala sa Pilipinas.

Ang panunuksong hindi niya matanggap, at siya ang pinagmulan ng nakaraan nilang pagbababag ni Ogor, ay ang inabi nito tungkol sa kanyang ina. (Gayon nga kaya kasama ang kanyang ina?)

“ari-sari ang nagiging kapatid ni Negro,” sinabi ni Ogor. “Baka makatatlo pa ang kanyang nanay ngayon!”

Noong dinadala ng kanyang ina ang kapatid niyang bunso ay iniwan ito ng asawa. Hindi malaman kung saan nagsuot. At noon, higit kailanman, naging hamak sila sa pagtingin ng lahat. Matagal-tagal ding hindi naglabada ang kanyang ina, nahihiyang lumabas sa kanilang barung-barong. Siya ang nagpatuloy sa pag-aagwador. At iya ang napagtuunan ng sari-saring panunukso.

Natatandaan niya angmga panunuksong iyon. At mula noon, nagsisimula nang umalimpuyo sa kanyang dibdib ang dati’y binhi lamang ng isang paghihimagsik, nagsuumigaw na panghihimagsik sa pook na iyong ayaw magbigay sa kanila ng pagkakataong makagitaw at mabuhay nang payapa.

Sariwa pa ang nangyaring pakikipagbabag niya kay Ogor, naiisip ni Impen habang tinatalunton ang mababatong daan, patungo sa gripo. Mula sa bintana ng mga barung-barong, nakikita niyang nagsusulputan ang ulo ng mga bata. Itinuturo siya ng mga iyon. Sa kanya rin napapatingin ang matatanda. Walang sinasabi ang mga ito, ngunit sa mga mata, sa galaw ng mga labi, nababasa niyang isinisigaw ng mga paslit, Negro!

Napatungo na lamang siya.

Natatanaw na niya ngayon ang gripo. Sa malamig ngunit maliwanag nang sikat ng araw, nakikita na niya ang langkay ng mga agwador. Nagkakatipun-tipon ang mga ito. Nagkakatuwaan. Naghaharutan.

Sa langkay na iyon ay kilalang-kilala ang anyo ni Ogor. Paano niya malilimutan si Ogor? Sa mula’t mula pa, itinuring na siya nitong kaaway, di kailan man binigyan ng pagkakataongmaging kaibigan.

Halos kasinggulang niya si Ogor, ngunit higit na matipuno ang katawan nito. Malakas si Ogor. Tuwid ang tindig nito at halos, hindi yumuyuko kahit may pang balde ng tubig, tila sino mang masasalubong sa daan ay kayang-kayang sagasaan.

Nang marating niya ang gripo ay tungo ang ulong tinungo niya ang hulihan ng pila. Marahan niyang inalis ang pagkakawit ng mga balde. Sa sarili, nausal niyang sana’y huwag siyang maging paksa ng paghaharutan at pagkakatuwaan ng mga agwador.

Nakakaanim na karga na si Impen. May sisenta sentimos nang kumakalansing sa bulsa ng kutod niyang maong. At may isa pang nagpapaigib sa kanya. Diyes sentimos na naman. Kapag tag-araw ay malaki-laki rin naman ang kinikita ng mga agwador. Mahina ang tulo ng tubig sa kanilang lugar. AT bihira ang may poso.

Tanghali na akong makauuwi nito nausal niya habang binibilang niya sa mata ang mga nakapilang balde. Maluwang ang parisukat na sementong kinatitirikan ng gripo at ang dulo ng pila’y nasa labas pa niyon.

Di kalayuan sa gripo ay may isang tindahan. Sa kalawanging yerong medya agwa ay nakasilong ang iba pang agwador. May naghubad na ng damit, at isinampay na lamang sa balikat. May nagpapaypay. May kumakain ng halu-halo.

Sa pangkat na iyon ay natutok agad ang kanyang paningin kay Ogor. Pinilit niyang supilin ang hangaring makasilong. Naroon sa tindahan si Ogor. Hubad-baro at ngumisi. Mauupo na lamang siya sa kanyang balde. Mabuti na rin iyon kahit nakabilad a araw. Pasasaan ba’t di iikli rin ang pila, nasaisip niya. Makakasahod din ako.

Kasalukuyan siyang nagtitiis sa init nang may maulinigan siyang sigaw mula sa tindahan :

“Hoy, Negro, sumilong ka baka pumuti!”

Si Ogor iyon. Kahit hindi siya lumingon, para na niyang nakita si Ogor. Nakangisi at nanunukso na naman.

“Negro,” muli niyang narinig, “sumilong ka sabi, e baka ka masunog!”

Malakas ang narinig niyang tawanan. Ngunit hindi pa rin siya lumingon. Tila wala siyang naririnig. Nakatingin siya sa nakasahod sa balde, ngunit ang isip niya ay ang bilin ng ina, na huwag na raw niyang papansinin si Ogor. Bakit ba niya papansinin si Ogor?

Tinigilan naman ni Ogor ang panunukso. Hindi pa rin siya umaalis sa kinauupuang balde. At habang umuusad ang pila, nararamdaman niya lalo ang init ng araw. Sa paligid ng balde, nakikita niya ang kanayng anino. Tumingala siya ngunit siya’y nasilaw. Nanghahapdi at waring nasusunog ang kanyang batok, likod at balikat. Namumuo ang pawis sa kanyang batok at sa ibabaw ng kanyang ilong.

Itinaas niya ang tirante ng kamiseta. Hinipan-hipan niya ang manipis na dibdib. Di natagalan at isinawak ang kamay sa nalabing tubig sa balde. Una niyang binasa ang ulo. Kinuskos niya ang kanyang buhok at nabasa pati ang kanyang anit. Binasa niya ang balikat, ang mga bisg. May nadama siyang ginhawa. Ngunit pansamantala lamang iyon. Di nagtagal, muli niyang naramdamang tila nangangalirang na naman ang kanyang batok at balat. Kay hapdi ng kanyang batok at balat.

“Negro!” Napatuwid siya sa pagkakaupo nang marinig iyon. Nasa likuran lamang niya ang nagsalita. Si Ogor. “Huwag ka nang magbilad. D’on ka sa lamig.”

Pagkakataon na ni Ogor upang sumahod. At habang itinatapat nito ang balde sa gripo, muli niyang nakitang ngingisihan siya nito.

Napakatagal sa kanya ang pagkapuno ng mga balde ni Ogor. Napabuntunghininga siya nang makitang kinakawitan na ni Ogor ang mga balde. Sa wakes, aalis na si Ogor, naisip niya. Aalis na si Ogor. Huwag na sana siyang bumalik…

May galak na sumuusuno sa kanyang dibdib habang pinagmamasdan ang pagkapuno ng sinundang balde. Susunod na siya.

Makakasahod na siya. Makakasahod na rin ako, sabi niya sa sarili. Pagkaraan ng kargang iyon ay uuwi na siya. Daraan pa nga pala siya kay Taba. Bibili ng gatas.

Datapuwa’t, pagkaalis ng balding hinihintay niyang mapuno, at isasahod na lamang ang a kanya, ay isang mabigat at makapangyarihang kamay ang biglang pumatong sa kanyang balikat. SI Ogor ang kanyang natingala. Malapit lamang pala ang pinaghatdan nito ng tubig.

“Gutom na ako! Negro,” sabi ni Ogor, “Ako muna.”

Pautos iyon. Saglit siyang hindi nakakibo. Natingnan lamang niya si22 Ogor. Iginitgit ni Ogor ang balde at kumalantog ang kanilang mga balde.

Iginitgit niya ang kanyang balde bahagya nga lamang at takot siya sa paggitgit. Kadarating mo pa lamang, Ogor nais niyang itutol. Kangina pa ako nakapila rito, a.

“Ako muna sabi, e.” giit ni Ogor.

Bantulot niyang binawi ang balde. Nakatingin pa rin si Ogor. Itinaob niya ang kakaunting nasahod ng balde at ang tubig ay gumapang sa semento at umabot sa mga paa ni Ogor. Uuwi na ako, bulong niya sa sarili. Uuwi na ako. Uuwi na ako. Mamaya na lang ako iigib uli. Nakatingin sa araw, humakbang siya upang kunin ang pingga ngunit sa paghakbang na iyon, bigla siyang pinatid ni Ogor.

“Ano pa bang ibinubulong mo?”

Hindi na niya narinig iyon. Nabuwal siya. Tumama ang kanyang kanang pisngi sa labi ng nabitiwang balde. Napasigaw siya. Napaluhod siya sa madulas na semento, dalawang kamay niyang tinutop ang pisngi.
Takot, nanginginig ang kanyang mga daliri. Dahan-dahan niyang iniangat iyon. Basa… Mapula… Dugo!

Nanghihlakbot siya. Sa loob ng ilang saglit hindi na niya maulit na salatin ang biyak na pisngi. Mangiyak-ngiyak siya.

O…gor … O …gor” Nakatingala siya kay Ogor, mahigpit na kinukuyom ang mga palad. Kumikinig ang kanyang ulo at nangangalit ang kanyang ngipin. “Ogor!” sa wakes ay naisigaw niya.

Hindi minabuti ni Ogor ang kanyang pagkakasigaw. Sinipa siya nito. Gumulong siya. Buwal ang lahat ng balding lalalabi sa pila. Nagkalugkugan. Nakarinig siya ng tawanan. At samantalang nakadapa, unti-unting nabuo sa walang malamang sulingan niyang mga mata ang mga pang alikabukin. Paparami iyon at pumapaligid sa kanya.

Bigla siyang bumaligtad. Nakita niya ang naghuhumindig na anyo ni Ogor. Nakakaakma ang mga bisig.

“Ogor”

Tumawa nang malakas si Ogor. Humihingal at nakangangang napapikit siya. Pumulas ang luha sa sulok ng kanyang mga mata. Nasa ganito siyang kalagayan nang bigla niyang maramdaman ang isang ubos-lakas na sipa sa kanyang pigi. Napasigaw siya. Umiiyak siyang gumulong sa basa at madulas na semento. Namimilipit siya. Tangan ang sinipang pigi, ang buong anyo ng nakaangat niyang mukha’y larawan ng matinding sakit.

Matagal din bago napawi ang paninigas sa kanyang pigi. Humihingal siya. Malikot ang kanayng mga mata nang siya’y bumangon at itukod ang mga kamay sa semento.

Si… Ogor. Sa mula’t mula pa’t itinuturing na siya nitong kaaway. Bakit siya ginaganoon ni Ogor? Bakit? Bakit?

Kumikinig ang kanyang katawan. Sa poot. Sa naglalatang na poot. At nang makita niyang aangat ang kanang paa ni Ogor upang sipain siyang muli ay tila nauulol na asong sinunggaban niya iyon at niyakap at kinagat.

Bumagsak ang nawalan ng panimbang na si Ogor. Nagyakap sila. Pagulong-gulong. Hindi siya bumibitiw. Nang siya’y mapaibabaw, sunod-sunod niya Dagok, dagok, dagok, dagok, dagok, dagok… pahalipaw… papaluka…papatay.

Sa pook na iyon, sa nakakarimarim na pook na iyon, aba ang pagtingin sa kanila. Maruming babae ang kanyang ina. Sarisari ang anak . At siya, isang maitim, hamak na Negro… Papatayin niya si Ogor… papatayin. Papatayin.

Dagok. Dagok, dagok… Nag-uumigting ang kanyang mga ugat. Tila asong nagpipilit makaibabaw si Ogor. Tila bakal na kumakapit ang mga kamay. Sa isang iglap siya naman ang napailalim. Dagok, dagok, Nagpipihit siya. Tatagilid. Naiiri. Muling matitihaya. Hindi niya naiilagan ang dagok ni Ogor. Nasisilaw siya sa araw. Napipikit siya sa araw. Mangungudngod siya, mahahalik sa lupa ngunit wala siyang nararamdamang sakit!

Nakakatatlo ng asawa si Inay. Si Kano… si Boyet… Si Diding… at siya… Negro, Negro, Negro!

Sa mga dagok ni Ogor tila nasasalinan pa siya ng lakas. Bigla, ubos- lakas at nag-uumuti siyang umigtad. Dagok, dagok, bayo, bayo, dagok, bao… kahit saan. Sa mukha.. Dagok, dagok, dagok, dagok…

Mahinana si Ogor. Lupaypay na. Nalaglag na ang nagsasangang kamay. Humihingal na rin siya, humahagok. Ngunit nagliliyab pa rin ang poot sa kanyang mga mata. Dagok. Papaluka. Dagok, bayo, dagok, bayo, dagok, bayo, dagok, bayo…

Gumagalaw-galaw ang sabog na labi ni Ogor.

“Impen…”

Muli niyang itinaas ang amay. Dagok.

“I-mpen…” halos hindi na niya naririnig ang halinghing ni gor. “I-mpen, suko n-na…a-ako…s-suko na na … a-ako!”

Naibaba niya ang nakataas na kama. Napasuko niya si Ogor! Napatingala siya. Abut-abot ang paghingal. Makaraan ang ilang sandali, dahan-dahan at nanlalambot siyang tumindig, nakatuon ang mga mata kay Ogor. Wasak ang kanyang kamiseta at duguan ang kanyang likd. May basa ng dugo’t lupa ang kanyang nguso.

Maraming sandaling walang nangahas na magsalita. Walang nakakibo sa mga agwador. Hindi makapaniwala ang lahat. Lahat ay nakatingin sa kanya.

Isa-isa niyang tiningnan ang mga nakapaligid sa kanya. Walang pagtutol sa mga mata ng mga it. Ang nababakas niya’y paghanga. Ang nakita niya’y pangingimi.

Pinangingimian siya!

May luha siya sa mga mata ngunitmay galak siyang nadama. Luwalhati. Hinagud-hagud niya ang mga kamao. Nadama niya ang bagong tuklas na lakas niyon. Ang tibay, ang tatag… ang kapangyarihan. Muli niyang tiningnan ang nakabulagtang si Ogor. Pagkaraa’y nakapikit at buka ang labing nag-angat siya ng mukha.

Sa matinding sikat ng araw. Tila siya isang mandirigmang sugatan ngunit matatag na nakatindig sa pinagwagiang larangan.